Kabataan… Kami Noon at Sila Ngayon
Kabataan, hango sa salitang ugat na “bata”, nangangahulugan ng kamusmusan at salat pa sa mga kaalaman at mga bagay – bagay.
MInsan ay naging isa din akong bata, naranasan maglaro sa lansangan, maligo sa buhos ng malakas na ulan, maging guro sa aral - aralan, umiyak kapag may laruang hindi nabili at kung anu – ano pa. Mula sa pagka - bata ay unti – unting namumulat sa mga bagong aspeto ng buhay at duon pumapasok ang pagiging “kabataan”. Mga tanong na pumapasok sa isipan bakit ganuon, bakit ganyan? Tinutuklas ang mga pagbabagong pisikal, ispirtuwal at emosyonal. Damdaming di mo mawari at maunawaan. Ngunit sa pagkalipas nang halos labin – limang taon mula sa una kong pagharap sa mundo ng kabataan, maraming nagbago kami nuon at sila ngayon.
Taun – taon sa pagpagdagdag ng gulang nang mundo at pagtuklas ng mga makabagong teknolohiya kaakibat ang mga pagbabagong sikolihikal sa mga kabataan. Malaki ang epekto ng “computer” sa kasalukuyang henerasyon. Binago nito ang pamamaraan ng pamumuhay, masasabing ito ay nagturo sa ilang mga kabataan ng pagiging matapang. Matapang sa maling pamamaraan, sa maagang pagharap sa ibang mukha ng buhay. Naging maluwag ang lipunan sa usapin at panooring sekswal. Naging liberal ang bawat isa sa kanilang gawain, pananalita, pananaw at pananamit.
Hindi masama ang makisabay sa pagbabago ngunit sana’y maisip natin na ito’y may kaakibat na responsibilidad na dapat nating sundin. May halong pagkakonserbatibo man noon ay hindi nangangahulugang tayo’y mananaliti sa nakaraan at gamitin ito sa kasalukuyan. Nawa’y hindi nakawin nang globalisasyon ang kamusmusan ng mga bagong kabataan. Kung ilang ulit man na tatanungin sa akin na kung ako’y muling magiging kabataan mas nanaiisin ko pa rin na bumalik sa aking henerasyon na may kaakibat na ngiti ng pag – asa at hindi pangamba nang maagang pagkamulat at piliting pahinugin sa dahas ng maling pagsukob sa modernong panahon.