Chelie

Ako, Ikaw at Kayo (Samu’t saring kwento ng Buhay)

Ako’y Isang Babae, Malaya…

Filed under: Ako'y Babae — chelief at 8:11 am on Wednesday, April 16, 2008

Minsan sa aking pag-iisa, tinanong ko sa aking sarili ito ba ang daan na nais kong tahakin? Paano kung mali, magsisisi ba ako? Ilan sa mga katanungan na minsan bumabagabag sa mga gabing sa tuwina’y aking binibilang.

Mga luhang ayaw na atang pumatak sa aking mga mata. Pasaning ipinatong sa aking  balikat ito ba’y obligasyon o isang responsibilidad. Pangarap ko lang nuon na magsuot na itim na toga upang matakasan ang kamangmangan. Makapagtrabaho na kahit papaano’y makatulong sa aking umaasang pamilya. Naranasan ang init ng araw sa paghahanap ng mapapasukan, titigan ng mula ulo hanggang paa at sapitin ang lipunan ng mapanuring diskriminasyon. Salaping nasa aking mga kamay tila ayaw kong pakawalan, marahil ito’y bunga nang hirap sa aking pagpupuyat at tensyon sa dami ng mga papel na bumabaha sa aking harapan. 

Bakit hindi ko ninais na pintahan nang samut-saring kulay ang hindi naman kaputiang  balat o magsuot ng mga burloloy na aagaw atensyon sa aking itsura. Ni hindi ko nga tinangkang suotin ang mga pitis na damit na tila umiipit sa aking katawan. Mga ngiting tila itinahi na sa aking labi na kahit galit ay di nabubura. 

Mga sulating walang wakas at mga ginuhit na iniwan na walang kulay, hindi ko alam kung kalian ba matatapos. Isang anino nang aking nakalipas na hanggang ngayon ay aking tinatakbuhan at nais nang takasan.

Oo, ako’y isang babae ito ang aking pinili walang alinlangan o pagsisisi man. Ninais kong maging malaya tulad sa aking mga tula at mga kamay na gumuguhit.