Alaala ng Tunay na Anak ng Boystown
Hindi ito ang unang kong maikling kwento ukol sa Boystown. Nasa ika-apat na taon na ako nuon sa kolehiyo at kinukuha ang naiwan kong asignaturang Retorika, bilang parte nito isinulat ko ang “Bawat Sulok ng Boystown”. Mas maigi siguro kung una ko yun na ipinaskil ngunit hindi ko ito dala at naiwan ko sa Pilipinas. Ito’y ikalawang bahagi nang isang masayang alaala na itinatago ng aking puso…
Tinitipa ang mga letra sa aking “computer” upang simulan at ipaalam sa lahat ang isang kakaibang pag-irog na ikinukubli sa aking dibdib.
Alaala ng nakalipas, ngunit bakit hanggang ngayon hindi ko malimot. Kasiyahan, halakhak, kalungkutan, hinagpis at pangarap mga bagay na pinagsulahan namin sa halos labing-isang taon.
Nabibingi ako sa katahimikan, ang ihip ng hangin sa umaga ay nagdudulot ng isang aroma. Huwag kang tatabi sa puno ng balite, bakit naman? basta … hindi mo ba alam na may kakaibang nilalang na naninirahan dyan. Kwentong kutsero? Marahil ngunit hindi masama kung susundin, walang kawalan. Daan-taon na kaya ang edad ng puno ng balite? Nagmumula ang mga ugat sa kanyang mga sanga, may panahon din na nalalagas ang kanyang mga dahon at ang mga bunga na taglay nya ay umaalingasaw at naglalaglagan sa daan. Sa batang munti taglay nya ang takot, bakit hindi napakalaki nito at tila ito’y may pinto na lalagos sa kakaibang mundo. Sa katunayan tila ito’y halintulad sa matandang ermitanyo na hindi pwedeng salangin, ni wala ngang nagtangka na ito’y putulin. Sa munting kaisipan, sa lumilipas na panahon diwa’y umuusbong unti-unti ang takot ay lumalaon. Tabi-tabi po makikiupo lang po! tuwing ako’y nasa lilim nito hindi madadaplisan ang aking balat ng naggugumalit na araw. Tinitingala ang mga ugat na sa kanyang mga sanga’y naglulumaylay. Katotohanan kaya ang mga kwento ukol sa kanya. Ngunit ng akin siyang titigan hindi takot ang bumabalot sa akin kundi awa. Bakas sa kanya ang lungkot, sa lapad ng kanyang katawan at mabalangis na anyo tila siya’y walang lakas. Marahil ganito din silang lahat, na pilit pinatitigas ang sarili bilang pananggalang sa mapagsamantalang buhay.
Ito ang aking paraiso, dama ko ang mga damuhan ang luntiang kapaligiran tanaw ko ang mga bundok ng kabahayan sa bandang rizal. Sa higanteng tarangkahan na naliligiran ng mga namumukadkad na halaman kapiling ang mga damong ligaw. Ayun ang munting kapilya, madilim ang loob at nakatarangka ang pinto, ang mga bintana naman ay nalalagusan ng mga munting liwanag na mula sa labas. Kelan ba ang una’t huli kong pagpasok dito? Alam ko na! una kong pagtanggap ng komunyon tanda ko din ako ang nagbasa ng mabuting balita ng Diyos. Ano pa ba ang sumunod, ah… kamatayan mabigat ang aking mga paa ni ayaw kong pasukin ang kapilya takot ako sa patay. Hindi maalis ang kabog sa aking dibdib, wag ka nang matakot bulong ng aking kaibigan. Kita mo isang buong klase ang narito, pumila ka na tignan mo ang kanyang mukha. Hindi… uupo na lang ako ayoko kong makita ang isang nilalang na nahihimlay sa isang kahong kahoy. Bakit nilisan nya ang mundo sa murang edad? nakaramdam kaya siya ng sakit nang mahulog siya sa kisame na ginawa nyang kublihan, kwentong kumalat ukol sa kanyang kamatayan. Hindi ako lumuha, ni hindi ko nga siya kilala bakit ko siya iiyakan? Matanda lamang ata ako ng isang taon, isa lang siyang ampon. Nanduon kaya ang kanyang magulang o kapatid?. Ah…bakit babagabagin ko ang mura kong isipan sa mga bagay na hindi naman dapat, tulad din niya ako isang bata.
Ikalawang grado ako nun sa elementarya ng masilayan ko ang unang karnibal sa malawak na bakuran. Araw kasi ng pagkakatatag ng aming paaralan, kaunti lang ang masasakyan pero bakas sa lahat ang kasiyahan. Panandaliang aliw na papawi sa mga lungkot ng mga taong nanahanan sa pook na ito. Nang mga panahon ding iyon tinibag na nila ang higanteng balyena na madalas naming silungan pati na din ang mga lumang padulasan na aming laruan. Mas maigi na din ang bago nitong anyo dahil hindi na siya kasing lungkot tulad ng dati kahit papaano matatakpan nito ang mga taong namimighati.
Bakit kailangang ihiwalay ang elementarya sa sekondarya? Iisang paaralan at pamamahala lang naman. Nariyan ang aming mga guro may mabait, masungit at meron ding malupit. Ano ba? sabi kong huwag mo kong daldalin baka mailista tayong maingay. Dumating na nga ang aking kinatatakutan nailista nga kami kahit hindi ako nagsasalita inilista pa din ako. Una kong pagtikim ng hampas ng kawayan sa aking puwitan, hindi naman masakit tila sumayad lang ito sa aking palda at isang hampas lang naman di tulad ng katabi kong maingay dahil tatlo ang ipinataw sa kanya. Kaibigan ko ang babaeng maingay sa katunayan lagi nya akong isinasama papunta sa bahay ng iba naming kamag-aral. Sa tuwing maalaala ko siya ako’y nalulungkot, tinapos lamang nya ang elementarya at lumipat na sa ibang paaralan, taglay pa naman nya ang talino. Bakit iba ang pinili niyang landas na tunguhin? Marahil may mabigat siyang dahilan at ayaw ko ng tangkain pang alamin.
Sa wakas iiwan ko na ang kamusmusan, akin ng sasalubungin ang panibagong yugto ng aking buhay. Mas masaya, makulay, mahirap at higit sa lahat may pagka-sensitibo. Unang - taon, hindi ko pa dama ang pagbabago na kanilang sinasabi. Ang aming mga silid-aralan ay tinatawag na “Pre-Pab” may kalumaan na ang mga silid, sira-sira din ang aming mga upuan at ang amoy may kalumaan. Bakit ka mag-rereklamo? Eh… libre lang naman! sigaw ng aking isipan, ni sa isang taon nga walang pang isang daan ang iyong babayaran. Totoo kaya ang bali-balita na ang mga guro sa ikalawang taon, nagsamasama ang mga kinatatakutang guro sa paaralan. Duon ko napatunayan hindi naman lahat meron naming ilan na hindi naman sila ganun kalupit. Hindi ako hirap makilala ng aking mga guro dahil kay kuya na nauna sa akin ng dalawang taon. Nang mga panahon na ito magtatapos na siya ng sekondarya, iiwan na nya ako sabagay ni hindi ko nga matandaan na tinuruan nya ako sa aking mga aralin. Lagi nga nyang banggit, nung ako nuon walang nagtuturo. Dito ko din nasumpungan ang aking sarili na sumusulat ng mga tula , nakatunghay sa malawak na paligid at ipapasok sa isip ang bawat hinihiblang mga kataga. Pansamantalang iniwan ang unang kong pag-ibig… ang pagguhit. Hindi ko na kailangan pang bumili ng iba’t - ibang pangkulay, na hindi naman ganun kamura, sa pagsulat kailangan lumipad lang ang iyong isipan. Ito na yata ang umpisa ng pinaka-makulay na yugto ng sekondarya, ikatlong-taon ngunit hindi ko pa din maramdaman, tangi ko lang alam dapat mag-aral. Marahil sa ilan kong kamag-aral, hindi ko pa talaga damdam. Minsan may paligsahan sa paaralan sa pagsulat ng sanaysay at ito na yata ang umpisa ng pinaka-makulay na yugto ng sekondarya, ikatlong-taon ngunit hindi ko pa din maramdaman, tangi ko lang alam dapat mag-aral. Marahil sa ilan kong kamag-aral, hindi ko pa talaga damdam. Minsan may paligsahan sa paaralan sa pagsulat ng sanaysay at tula . Anong masama kung aking susubukan ipapasa lang naman ang tula , pero andito pa din ang takot paano kung hindi ako manalo. Bahala na susubukan ko na din, matalo man o manalo ang mahalaga naihayag ko ang aking nais sabihin. Hanggang dumating ang araw ng programa duon din babanggitin ang mga nanalo, hindi ko na nga inisip pa. Lumapit ang aking guro sa Filipino at sinabi niya sa akin na aakyat ako sa entablado, ibig bang sabihin nanalo ako. Kahit ikatlong pwesto lang ang aking nakamit hindi masama sa isang bagitong tulad ko. Ni wala nga akong pormal na aral sa pag-susulat.
Tatlong araw na akong lumuluha. Bakit hindi? matagal ko na silang mga kaklase halos walong taon kaming magkakasama pati ang aking mga matalik na kaibigan. Mawalay sa kanilang lahat ay hindi ganun kadali. Hindi naman mababa ang aking mga marka sa katunayan may mas mababa pa sa akin pero hindi sila nilipat ano ba ang batayan ng gurong ito. Ah… wala na akong mailuha, nandyan ang aking mga kaibigan na nagbibigay ng lakas sa akin na kahit hindi ko na sila kamag-aral nariyan pa din silang lahat.
Unang araw ko sa huling yugto ng sekondarya, mas ninais kong umupo sa hulihan kahit ang ilang kababaihan ay kaklase ko nuon sa isang asignatura iba pa din. Pakiramdam ko ang lahat ng mga mata’y nakatuon sa akin, tila ba ako’y isang bagong nilalang. Sinisino lalo na nitong mga kalalakihan maaring kilala ako sa mukha ngunit hindi sa ngalan.
Ito na pa la ang araw ng aking hinihintay ang ang makulay, masaya at malayo sa tensyong dulot ng may kompetensyang pag-aaral. Mabait silang lahat mapalalaki man o babae, dito nagsimula ang isang grupo ng mga pagkakaibigan. Mainam pumasok ng maaga nung halos sisikat pa lang ang araw minsan nakikita ko pa ang mga paniki na nagliliparan sa paligid. Mga ibong humuhuni at mga dahong umaawit. Akala ko ako na ang nauna, andun na pala ang mga ilang lalaki kong kamag-aral na opisyal at nag-eensayo ng “CAT”. Sa umaga ding yun araw-araw kaming nagrorosaryo sa halamanan na may imahen ng Mahal na Birhen. Kapag bakanteng oras uupo sa ilalim ng mga puno, simula na ng walang humpay na kwentuhan. May kwentong kababalaghan, panglipunan, panrelihiyon pati na din ang tamis ng pag-iibigan. Madalas din tampulan ang mga guro na madalas naming bansagan ng kakatwang mga pangalan. Minsan natuwa ako nagdagdag ng isang asignatura na magtuturo ng pagguhit. Halika na sumama ka na, diba nuon mo pa gusto ito buti nga ibinalik na ang “drafting” yaya ng isang kaibigan. Sige na maam payagan mo na akong lumipat, hindi pwede! Bakit hindi? “Sila pinayagan mo, dahil ikaw ay opisyal.” Sapat ba yung dahilan pero ang ilang opisyal pinayagan nya wala akong pinagkaiba sa kanila. Sa kabilang banda may tuwa sa aking puso alam ko ang tunay nyang dahilan. Sa tuwing ako’y mag-uulat sa klase lagi na lang tanong sa akin ng mga guro ginuhit ba yan ng iyong kapatid, ilang ulit ko bang dapat ipaliwanag na ako… ako ang gumuhit. Marahil hindi ako kasing-husay ng mga kamay ni kuya ngunit parehas naman ang dugong dumadaloy sa aming mga ugat kaya’t ang kangyang karangalan ay akin din. Umaayos ka nga at iayon ang iyong sarili! minsan sabi ng isang kaibigan. Bakit? Aking balik tanong. Dahil hanggang ngayon para ka pa ding bata, mag-ayos ka nga dahil may lihim na sayong sumisinta. Ano ka ba? Hindi ko na kailangan pang mag-ayos para sa kanya. Dito nagsimula ang tuta kong pag-ibig, ganun pala ang pakiramdam kapag may humahanga. Para akong nasa alapaap, sa katunayan humahanga din ako sa kanya, tanda ko pa nung hindi pa siya nagtatapat sa akin nakaupo ako sa ilalim ng punong kakaw. Tila may bumabato sa aking likuran, unang lingon hindi ko alam, ganun din ang pangalawa ngunit sa pangatlo sa wakas nahuli ko din isang matamis na ngiti lang ang kanyang tugon. Sa ilalim din ng punong ito isinusulat ko ang propesiya kung ano ang mangyayari sa aming lahat pagkatapos ng sampung taon. Animo’y isa siyang kritiko na binabalangkas ang iba kong mga kataga. Sayang dahil ang bubot naming pag-iibigan ay nauwi sa isang di pagkakaunawaan. Dali bilisan mong lumabas baka may makita tayo ng guwardiya, ito kasing mga lalaking to mas inuna pa ang kanilang sarili bago kami ngitngit ng aking isip. Ganun pala ang pakiramdam kapag tumatakas sa klase at aakyat sa sirang bakal na bakod. Halo-halo ang emosyon ng takot at kakaibang kasiyahan ang iyong mararamdaman. Sa tahamik na kapilya matamang nakikinig ang lahat ng mga mag-sisipagtapos, rekoleksiyon namin at ang nagbibigay ng aral dalawang estudyante na tatlong taon na lang ay ganap ng mga pari. Nagbibigay aral, payo sa panibagong yugto na naman ng buhay. Ito na rin ang huli kong pagpasok sa loob ng munti naming kapilya.
Dumating na ang sandali na iiwanan ko na ang aking sinisinta, tila hindi pa ako handa na siya’y iwanan. Hindi ko na masisilayan ang luntiang nyang halamanan ganun din ang punong balite. Ang aking mahal na mga guro, ang aking mga kamag-aral, pati na din ang imaheng bato ni Valeriano na may hawak na tabako. Hindi ko na mararanasan ang pakiramdam ng may isang bata na nakakandong sa aking mga hita na kinukwento ang kanilang buhay. Ang mga matatanda na nanlilimos ng kaunting barya na pambili daw ng walis. Wala na ang mga baka na pagala-gala at ang mga dumi ay nagkalat sa daan.
Marahil siya nga’y aking iniwan ngunit ang kanyang mga alaala ay mananatili sa akin. Sa kanya umusbong ang aking mga ugat, mga sangang nagpapatatag, mga dahong pananggalang, mga bulaklak ng pangarap at higit sa lahat ang matamis na bunga na sa ngayon ay nasa akin ng mga palad.