Nang isulat ko ang kwentong ito hindi ko ninais, na saktan ang sinuman. Ito’y isang paglalarawan ng katotohanan kaya’t ako nakikisantabi sa lahat. Hindi ko layunin na manakit, manumbat at manghusga nais ko lang imulat ang lahat na hindi ganun kadali ang buhay lalo na sa mga tulad kong OFW. Isa lamang itong bahagi ng isang malaking sakripisyo. Mas pinili kong tauhan ang isang kasambahay dahil higit silang nakakadama ng hirap at mas na nakakaranas ng pagmamalupit ito man ay pisikal o emosyonal. Ang ganitong gawain ay walang pinipiling nasyonalidad, antas ng trabaho o taas ng pinag-aralan. Muli kong inuulit ang paggamit ko ng isang kasambahay bilang isang tauhan hindi nangangahulugang sila lamang ang gumagawa ng ganitong gawain at hindi rin ito pangkahalatan. Ito’y hindi pagkondena, kailangan ng pagkilos na magmumula sa ating sarili.
Isinulat Noong: (March 15 - 17 2007)
Sinisipat ang sarili sa di kalakihang salamin na nakakabit sa kanyang munting aparador. Tsk… tsk.. palatak ni Liwanag o Liwag kung iyong paiikliin. Mahahaba at nangingintab ang maitim niyang buhok na nahahaluan ng kulay kalawang ang ilang mga hibla. Limang talampakan ang taas, ang edad naman ay lagpas ng sampu sa kalendaryo.
Hawak ang kulay pulang pintura na ipinapahid sa kanyang mga labi, dinampian din ng bahagya ang may peleges ng mga pisngi. Pagkatapos kanyang ginuhit ang mga kilay gamit ang lapis na itim, tinanggal din ang gomang tali at hinayaang nakalaylay ang buhok. Suot ang bulaklaking blusa na walang manggas na tinernuhan ng paldang balat na hindi man lang umabot sa kanyang mga tuhod. Sapatos, na ang takong na may higit na dalawang pulgada ang taas at malakas ang lagatok sa bawat hakbang. Araw kasi ngayon ng Linggo, ngayon nang kanyang labas. Bakas ang ngiti sa kanyang labi, ngunit ng muling humarap sa salamin, nakabalot na ang kanyang katawan sa abayang itim.
Ay! Ikaw pala Norlie… kumusta na? di ka na ata nagsusundo sa eskwela. Ayaw na kasi ng walanghiya kong alaga malaki na daw siya, sambit ni Liwag. Sayang ikaw pa naman ang reyna ng kuwentuhan. O sige na baka mahuli ako sa aking tagpuan, ano ba ngayon? Tanong ulit ni Norlie. Sikreto! Sabay ang malakas na halakhak, na sinambit… basta ang mahalaga makapal ang bulsa na patuloy pa din sa kanyang lakad-takbo.
Hapung-hapo na ang kanyang may kanipisang katawan. Bandang alas-dose ng gabi, nakatunghayhay pa din sa puting kisame ngunit blangko naman ang isip. Sa ilang sandali bumukal na ang masaganang tubig mula sa kanyang mga mata habang impit ang mga hikbi. Nay! Sige na wag ka nang mag-alala pangako kapag naging marino na ako titigil na kayo sa pagtratrabaho. Panganay na anak ni Liwag si Isarael, disisyete pa lamang ito nuon nang iwan nya pati na ang tatlo pa niyang mga anak. Punung-puno ito ng pangarap nasa unang taon na din sa kolehiyo sa unibersidad ng kanilang kabisera at kumukuha ng pagka-marino. Mga alalahanin na kanya na ding nakatulugan, kasabay ang panunuyo ng kanyang mga luha.
La…lalalala la, mahinang awit na lumalabas sa kanyang bibig na tila inaaliw ang sarili. Ganap na ikaapat pa lamang ng umaga, nilalampaso niya ang marmol na sahig. Hindi kayang itago ang pamumugto ng kanyang mga mata dulot nung nakaraang gabi. Ay Liwag! Tanging niyang nasambit. Naririnig na niya ang mga yabag na pababa sa hagdan kilalang kilala niya ang may-ari nito ang amo niyang lalake, tuwing alas-otso ito ng umaga kung bumaba. Nakahanda na sa hapag ang almusal nito tsaa, tinapay na walang lebadura na tinernuhan ng iba’t ibang matamis na preserbang prutas at ilang uri ng keso. Magalang niya itong binati sa salitang banyaga, na tanging tungo lang ang tugon. Sa ganito lang umiikot ang kanyang mundo, hindi niya iniinda ang pagod, pang-aalipusta at pang-aalipin. Ang tanging mahalaga sa kanya ay araw ng Linggo dahil ito ang araw ng kanyang kalayaan.
Nanay, huwag ka sanang mabibigla si tatay kasi ilang araw nang hindi umuuwi ng bahay. May bali-balita din na kumakalat na nakita daw siya ni tiyang sa kabayanan na kasama si Merla. Nalaglag ang papel sa kanyang mga kamay, tila siya mabubuwal. Kaya niyang tanggapin ang pangangalunya ng kabiyak. Ngunit may isang parte ng sulat na tila isang bomba na dumudurog sa kanyang puso at mga kalamnan. Nay patawad! Kasi nakalimot kami. Apat na buwan na akong buntis, ikaw lang ang aking maasahan dahil iniwan na din ako ng aking katipan. Bakit si Sarah pa? bulong ni Liwag. Kinse pa lamang siya, anong alam nya sa pagiging ina. Pangalawa ito sa kanyang mga anak, inakala niya na ito ang magtutuloy ng mga nasimulan ni Israel.
Nakausap na niya ang kanyang amo, gusto kasi nyang humingi ng pahintulot na gawing Biyernes na ang kanyang labas. Napapayag din naman niya gayun nga lang na isang katerbang talak ang iginawad nito sa kanya. Kailangan niya kasing kumayod ng mas malaki di hamak kasi na mas maraming parokyano tuwing Biyernes keysa araw ng Linggo. Madadagdagan na naman kasi ang bibig na kanyang pakakainin kung aasa lang siya sa kanyang sahod malamang hindi ito sasapat. Ang kaunti sanang naitutulong ng kanyang asawa ay nawala pa dahil kay Merla na isang babaeng belyas. Si Ramon ay isang trabahante sa pagawaan ng goma sa bayan. Matino naman itong asawa hindi nga din niya akalain na tulad din ito ng ibang kalalakihan na marupok sa tukso. Muli siyang humarap sa salamin, halata na ang kanyang mga guhit sa mukha nabubura na din ng katandaan ang kanyang anyo na umakit nuon kay Ramon. Hindi maalis ang kurot sa kanyang dibdib, dahil may pitak pa din ito sa kanyang puso. Hindi din niya magawang magalit dito higit ngang mas bata si Merla sa kanya ng halos labing-pitong taon tiyak ngang maakit ang kanyang kabiyak. Tangi niya ngayong alalahanin ang tatlo pang mga anak sino ang mag-aaruga sa mga ito ngayong nilasan na sila ng kanilang ama. Wala na din si Israel , sayang wala na din ito. Muli na namang nag-uunahan ang mga luha sa pag-agos sa kanyang mga pisngi.
Matatapos na nuon ang dalawang taon niyang kontrata, ngunit sa kanyang pag-uwi ay hindi kaligayahan ang sumalubong sa kanya kundi isang pamimighati. Kita niya ang hirap sa mukha nito. Hindi na kinaya pang itago ang mga pintura na inilagay ng embalsamador sa kanyang mukha. Nay! sabay yakap nina Sarah, Benjamin at ang bunsong si Sanai. Wala ding tigil ang mga ito sa pag-iyak. Samantalang si Ramon naman ay nasa isang sulok at kapiling ang ilang boteng alak, hindi nagsasalita. Kanya itong hinarap. Bakit? Kanyang tanong. Pinukol lamang siya nito ng mga tingin. Nalaman niya kay Sarah na namatay ang kanilang kuya na humihiyaw sa sobrang sakit. Nasa pabrika nuon ang kanilang ama at sila lang magkakapatid ang naroroon. Sinabi din nito na hindi lang isang beses narinig niya ang kanyang kapatid na humihiyaw sa sakit, nang kanyang daw tanungin ay simpleng sakit lang daw ng ulo. Limang-araw lang niyang pinaburol si Israel, hindi niya kayang makita ito lalo nasa ganitong anyo. Nililinis niya ang silid ng kanyang panganay, masinop ito sa gamit. Andun pa din ang mga gamit sa pag-aaral nakita din niya na kakakuha lang nito ng kanyang mga marka. Matataas ang kanyang mga grado at sa susunod na semetre ay nasa ikatlong taon na ito. Habang binabasa niya ang prospektus ng mga asignatura nitong kukunin, may isang papel na bumagsak. Ang papel ay may tatak ng isang kilalang ospital sa kabisera. Nanginginig ang kanyang mga kamay habang binabasa ang papel, resulta pala ito ng isang pag-susuri sa ulo. Hindi niya maintindihan ang ibang mga katagang pang medikal tangi lang niyang dagyat na nabasa ang salitang tumor. Paano nagawang itago ni Israel ang kanyang karamdaman, muli na naman siyang lumuha. Marahil ayaw siya nitong mag-alala.
Araw ng Linggo, tulad ng dati kailangan niyang mag-ayos. Ah! Muntik ko pang makalimutan. Muling inilabas ang kanyang abaya. Hay Liwag! Kanyang malalim na buntong hininga. Hanggang kalian mo isusuot ang abayang ito, magpipintura ng mga iba’t ibang kulay, magsusuot ng ganitong kasuotan na lumalabas ang malalaking ugat sa mga binti at nakabuyangyang ang di kalakihang dibdib. Mahirap ang kompetensiya ngayon, kahit na ugud-ugod mas pinipili ang mas bata. Bago umalis winisikan ang buong katawan ng mumurahing pabango.
Muli nahapo ang kanyang katawan. Habang nakahiga sa kanyang kama nakatingin sa larawan ng kanyang mga anak, si Israel , Sarah, Benjamin at Sanai. Duon isa-isang kinakausap ang mga anak. “Israel sana masaya ka na kapiling an gating panginoon.” Sarah, palakihin mo ang iyong magiging anak na ayon sa kagandahang asal kahit wala siyang ama, at kayong dalawa Benjamin at Sanai mag-aral mabuti at manatiling may takot sa Diyos. Diyos… kalian ba siya huling nanalangin. Hindi na niya muli pang matandaan tuwing may bagyong darating sa kanya ni hindi niya nagagawang humingi ng tulong sa Diyos.
Minsan kanyang nasumpungan ang sarili na kinakausap ang Diyos. “Panginoon alam kong nagkulang ako sa inyo nakalimot akong manalangin.” Pangako kapag nakaipon na ako ng salapi na aking gagamitin sa pag nenegosyo hindi na ako muli pang magsusuot ng abayang itim. Ilang taon na din ang nakakalipas mas ninais ni Liwag na huwag umuwi dahil duon madadagdagan ang kanyang ipon.
May kislap na ang kanyang mga mata, ngayong araw ng Linggo huling suot na niya sa kanyang abaya. Nakahanda na din lahat ang kanyang mga bagahe pauwi. Naipadala na din niya ang kanyang dalawang kahon na ang laman ay mga sabon, tsokolate, mga damit, laruan, pabango at ilang mga pasalubong para sa kanyang mga anak at nag-iisang apo. Psst… psst, sitsit ng isang lalaki sa kanya. Mukhang mayaman bulong niya sa sarili. Tutal huling araw na to, saying naman ang kikitain ko, ibibili ko si Sanai ng gintong pulseras. Agad siyang tumalima sinundan ang lalake sa sasakyan. Agad siyang sumakay, parang binabayo ang kanyang dibdib dahil iba ang landas na tinatahak ng sasakyan. Hindi siya makakita ng mga kabahayan, mga tuyong damo at buhanginan lang ang kanyang nakikita. Kinaladkad siya ng lalake palabas ng sasakyan, natatalisod siya sa bawat tulak nito. Natanaw niya na may iba pang kalalakihan na nakaabang sa tila munting kubo. Duon marahas na inalis ng lalake ang kanyang abaya. Una ang isa, sinundan ng pangalawa hanggang umabot sa panlima. Sumigaw siya ng sumigaw, ngunit sino ang makakarinig? Hanggang wala ng lumabas na tinig sa kanya at kanyang mga luha ay hindi na kaya pang umagos. Pagkatapos magpakasasa sa kanyang katawan muli siyang isinakay sa sasakyan at iniwan sa gilid ng daan.
Wag, wag tulungan nyo ako! Hikbi. Asan na? sabing asan na ang aking abaya? Sabi ko huwag kang lalapit. Ha ha ha… Iyak, hikbi.