(Revised July 29, 2008)
Sino ang makakalimot sa isang matayog na pintuang bakal na animo’y di mabubuwag kahit anong unos man ang dumaan. Hindi ko lubos maisip na sa unang pagtapak ko pa lamang dito ay halintulad ito sa pintuang bakal na na pinuno ng kalawang na sa ihip ng hangin ay maaari ng mabuwal.
Tahimik at payapa, ngunit anong lihim ang napapaloob sa pook na ito. Masalimuot at madilim, hindi ko mabatid ang tunay na kagandahan nito, sa aking paningin tila ba ito’y isang gubat. Hindi pa hapo ang aking mga munting paa sa landas na aking tinatahak, sa musmos kong isipan ako’y narito upang hubugin sa pagkatuto.
Kaybilis ng panahon napipilas ang mga pahina sa kalendaryo, sa minsan kong pag-idlip at sa pagmulat ng aking paningin hindi ko na matanaw ang mga talahiban, ang lumang paaralan at ang balyenang bato lahat ng ito’y unti– unting naglaho.
Sa pag-aakala kong sa pag dagdag nang aking edad at pagtaas ng aking antas ay kasabay ko ring lilipas ang pook na ito. Ngunit ito’y isang kamalian, datapwa’t kasabay ko ring nadagdagan ng mga taon ang mga puno’t halaman hindi sila kinakitaan ng kalungkutan o pangamba sa kasalukuyan, patuloy sila sa pagyabong na bumagay sa bagong bihis na kanlungan.
Minsan namulat ako at nakita ang aking sarili. Hindi na ako musmos o isang paslit. Batid kong hindi lang paaralan ang narito na humuhulma sa aking pagkatao.
Ito rin ay panahanan ng mga kabataan, kabatang biktima ng kahirapan, ng kawalang pag-ibig at pang-unawa. Sa aking paglalakad sa malawak na looban, siya’y aking nasilayan, kulubot na ang kanyang mga kamay, butuhan ang hapis na mukha at bakas na ang katandaan sa buo niyang pagkato. Marami ding tulad niya, dito rin sila naninirahan, ito ang kanilang tahanan. Natagpuan ang bago nilang pamilya marahil dito na din sila papanaw. Panandaliang sumagi sa aking isipan na ayokong maging tulad nila, natatakot ako hindi ko kayang makita ang aking sarili na tinakasan sa isang responsibilidad matapos ang mahabang pakikibaka sa mahabang landas ng buhay.
Binibilang ko na lamang ang mga dumaraang buwan at di kalaunan ako na rin ay lilisan. Sa bahagi ng pook na ito dinig ang tinig ng aming mga guro, ni minsan di mamutawi sa kanilang mga labi ang salitang kapaguran.
Sa ilalim ng punong mangga ninakaw ng dalawang bata ang aking paningin, mahigit pito o walong taong gulang. Hindi ko malaman kung ano ang aking nasa isipan upang sila’y lapitan. Tinangka kong tanungin ang kanilang mga pangalan, hindi sila maramot at agad tumuran. Batid kong kabilang sila sa kabataang nanunuluyan sa pook na ito. Ano ang ginagawa nila sa lugar na sekondarya gayong sila’y nasa unang taon sa elementarya. Sa alanganing oras sila’y nararapat sa loob ng silid aralan at hawak ang kanilang mga aklat. Tiyak sila ay tumakas at doon napadpad upang tunguhin ang di kataasang bakod tungo sa kanilang kublihan. Pinangahasan kong tanungin kung nasaan ang kanilang mga magulang si Bryan lamang ang tumugon, bakas sa kanyang mukha ang pag-asa at di raw kalaunan siya’y babalik na sa kanyang pamilya. Ngunit nabigla ako ng umupo sa aking kandungan si Jon Jon, animo’y walang alam sa kanyang kinasasadlakan. Nang mga sandaling iyon impit ko na huwag maluha ang aking mga mata, hindi ko nais na makita ng aking mga kamag-aral.
Katulad din ba sila ng aming dalawang kamag-aral. Bagamat wala sa amin ang diskriminasyon tila may pader na namamagitan sa amin at sa kanila. Sa paglipas ng mga araw ang pader na ito’y sadya ng nabuwag. Ayoko silang pangahasin na tanungin, hindi sila tulad sa dalawang bata, may sarili na silang pag-iisip. Isa rin sa kanila ang nagpamulat sa akin sa mga salitang kapatiran, kaisahan at kaibigan.
Sa bawat sulok ng pook na ito, may iba’t ibang mukha na nakalarawan tulad ng sa ilalim ng punong kakaw may ilang lihim na ba ang itinago nito halakhak at pagdaing na kanyang narinig at ilang luha na ang dumilig sa kanyang mga ugat. Minsan sa aking pagkakaupo naalala ko si Salvador , saan nga ba nagsimula ang lahat. Nasa ika-tatlong taon ako noon sa sekondarya. Walang patid ang mga araw na hindi niya ako binigyan ng mga rosas na hindi ko alam kung saang halamanan niya inumit.
Ilang asignatura ko ang kanyang binantayan, na minsan ang rosas ay nakapatong na sa ibabaw ng aking upuan. Hindi kilig o katuwaan ang bumabalot sa mura kong damdamin kung hindi nagbabantang pangamba. Halos dalawang taon din inabot ang panunuyo niyang baliw kung aking tawagin. Ilang pakiusapan at diplomasya na ang aking ginawa upang ako’y kanyang tigilan, ngunit tila nasisiyahan siya sa kanyang ginagawa. May ilang buwan din siyang hindi na muli pang nagpakita na nag – panatag sa aking kalooban. Marahil ay kanyang nagpantanto na hindi tama ang kanyang ginawa at walang patutunguhan ang kanyang hindi maipaliwanag na pag – sinta. Paano ko ba iibigin ang tulad niya, hindi dahil isa siyang KBF ward kung hindi sa agwat ng aming edad. Sapagkat halos apat na taon na mas mababa ang edad sa akin.
Ang bawat sandali ay mahalaga sa bawat isa sa amin, hindi ko din batid kung ako lang ang nakakadama ng isang pagkabalisa. Dahil ba lilisanin ko na ang pook na ito o pangamba na bagong kakaharapin ng aking buhay.
Ito na nga ang pinakahihintay na sandali ng bawat isa, tinatawag na ang aming mga pangalan tungo sa entamblado.
Muli kung sinulyapan ang pook na ito, hangga’t maaari hindi ito ang aking huling sulyap. Dito ko na din iginuhit sa aking alaala at itinago ang bawat sulok ng Boystown.